Pinatay mo ako dahil sa sobrang kasiyahan.
At malugod akong mamamatay dahil sa‘yo.
Sapagkat buong panahong mananatili,
Mga alaalang iniwan mo sa akin.
Tumanda man at maglaho ang oras,
Ay patuloy itong dadalhin ng aking isipan,
Saan man mapadpad ang aking katawan.
Subukan mong hiwain ang aking tiyan,
At dito’y aapaw ang libu-long paru-paro.
Buksan mo ang aking bibig at
Iluluwa nito ang hardin ng aking pag-ibig.
Baliin mo ang aking buto,
At tutunog ito para lamang sa’yo.
Dukutin mong aking mata at pagulungin,
Nang mayroon kang laruin.
Gupitin mong aking buhok,
Wala akong pakialam sa’n mo man ito gamitin.
Salamat sa paghawak sa balat kong makunat,
Kulubot at manipis.
Maaari mo ng pilasin tulad ng sedula,
At simulang isaboy sa kalsada.
Ikaw lang ang mayroong karapatan,
Dahil sa ikaw lamang ang kasintahan.
Gawin mong pataba sa lupa,
Ang katawang amoy lupa.
Nakatitig ako ngayon sa’yo,
At alam kong natatakot ka.
Huwag kang magalala,
Pinasasalamatan lamang kita.
Hindi na rin kita madadalaw pa,
Sapagkat wala na akong mga paa.
Kinilabutan ako sa mga imaheng ipinukol ng iyong tula sa akin. Napakagaling! ^_^
Salamat at nagustuhan mo aking kaibigan. ^_^
I don’t normally like poems pero I loved this kuya.
Thank you. I’m glad you loved it. ^_^