Tags

, ,


                        Alam kong maaring magaway na naman kami ng aking mga kapatid. Hindi ko malaman kung bakit ganoon na lamang ang galit nila sa akin. Panganay ako sa apat na magkakapatid ngunit hindi ko nakukuha ang respetong aking dapat na matanggap. Hindi ako iginagalang ng aking dalawang kapatid na sumunod sa akin maliban na lamang sa aming bunso. Si Oli. Ngunit masyado pa syang bata, mauuto at masusuyo mo pa ng kendi. Ganito rin kaya ang gagawin nya sa akin sa oras na sya ay lumaki?

Kagaya ng madalas kong gawin ay madalas akong umuwi ng gabi. Hanggang alas-sais lamang ng gabi ang aking pasok sa kolehiyo ngunit madalas na alas-otso na ako makarating sa amin. Pinipilit ko silang iwasan. Kailan ba nila ginawa ang mga ito sa akin?

Inabutan ko silang kumakain sa aming hapag at tahimik akong pumasok.

                        “O’ nak, sumabay ka ng kumain sa amin.”

Si Mama.

                        “Klang!”

Dito ay narinig kong hinulog nang isa sa aking kapatid ang hawak nilang kubyertos.

                        “Nak, anu ba yan?”

Reaksyon ni Mama sa nangyari.

                        “Nakakawalang gana namang kumain…”

Sambit ng sumunod sa aking si Randall. Noong batabata pa ako, sa tuwing gagawin nya ang ganito sa akin ay madalas kaming magsapakan. Kahit pa sa harap ni Mama, pambabastos ito sa kanya ngunit naisipan kong hindi talaga maganda. Kaya naman ngayong malaki na ako, hindi ko na lamang ito pinapansin. Pinipigilan ko ang aking sarili.

            “Randall ha! Magsisimula ka na naman!”

           “Hala. E’ di sana di na sya dumating…ako pa may kasalanan.”

Tugon nito sa aming ina.

Sinabayan naman ito ng paghalakhak ng pangatlo sa amin, si Vladimir. Sya ang kapatid kong bumato ng baso sa akin kaya naman nagkaroon ako ng poknat sa ulo. Sa tuwing magpapagupit ako, palagi kong pinaiiwas na iklian ng barbero ang peklat sa aking anit. Pero sa oras na wala na akong magawa at nagupit na ito ng barbero, ay uuwi akong katatawanan sa amin. Isang bagay na muling magpapaalala sa akin ng kanyang ginawa.

Upang maiwasan ang lahat ng mga ito ay agad na akong umakyat patungo sa aking kwarto.

                        “Nak’, di ka na kakain?”

Habol sa akin ni Mama.

                        “Mamaya na lang po.”

Tugon ko dito.

                        “Oo, mamaya na lang pagkatapos namin. Haha.”

Si Randall.

                        “He he. Wala ka na rin namang ulam.”

Dagdag pa ni Vladimir.

Narinig kong pinalo sila sa kamay ni Mama, ngunit hindi ako masaya tungkol dito. Gusto ko lang naman na sila ay magbago…sa kanilang sarili. Hindi lang dahil pinagalitan o dinidiplina sila ng aming mga magulang. Naalala ko pa minsan na sa tuwing gigisingin ako ni Mama ay nakaabang na sa kanyang tabi si Randall. Sa tuwing ginigising ako ni Mama sa dilim ay sinisipa naman ako ng aking kapatid. Sinusuntok at kinukurot. Malabo ang mata ni Mama lalo na sa dilim kaya naman hindi nya ito napapansin. O hindi nya lang sinasaway si Randall?

Pumasok na ako sa aking kwarto.

Alas dose na ng gabi ng maisipan ko namang lumabas ng aming bahay upang bumili ng makakain. Nang makababa ako ay patay na ang ilaw ngunit bukas pa ang telebisyon, nasa harap nito si Randall at nanunuod. Ngunit ng makalapit ako ay natutulog na ito kaya naman bago ako lumabas ng aming bahay ay hinila ko na ang kurdon ng telebisyon.

Sa aking paglabas sa aming bahay ay sobrang nakakabingi ang katahimikan. Mayroong tunog ngunit tingin kong gawa lamang ito ng aking tenga. Madilim din ang buong paligid at mga poste na lang ng ilaw ang gabay ko sa paligid. Iniisip ko ang mga nangyari sa akin, hindi ko alam kung bakit nila iyon ginagawa, maaring isipin ng iba na masyado lamang akong madamdamin ngunit pinakaaasam ko talagang mahalin nila ako bilang isang kapatid. Isang Kuya. Kung ano ang nararapat. Maari rin naman na masyado pa silang bata…pero bakit ang iba? Naging mabuti at responsable naman akong kapatid sa kanila, bakit ganito kung itrato nila ako.

Habang naglalakad ako sa gitna ng kalye papunta sa tindahang pagbibilhan ko ng pagkain ay isang napakalaking liwanag ang bumalot sa akin. Mainit at masarap sa pakiramdam. Gusto kong tingnan kung saan ito nanggagaling ngunit nakakasilaw ang buong liwanag kaya naman pagpikit na lamang ang aking nagawa. Itinaas ko din ang aking mga kamay upang salubungin ito. Upang hindi ako lagpasan.

Nang makarating ako sa aming bahay ay bukas na ang mga ilaw. Nasa baba na rin si Mama at ginising na si Randall upang matulog na sa kwarto nito.

                        “O, ‘nak. Lumabas ka pala.”

Bungad sa akin ni Mama.

                        “Mabuti naman at bumili ka nga…napasarap kasi ang kain ng tatay mo at ng mga kapatid mo kaya naman wala ng natira.”

Dagdag pa ni Mama. Ngumiti lamang ako sa kanyang sinabi at ipinatong na sa lamesa ang mga pagkaing binili.

                        “Ma, aakyat lang po ako. Madami akong nabili, kain kayo ni Randall.”

Sambit ko sa kanya habang papaakyat sa itaas.

Pumunta ako sa kwarto nila Papa at pinuntahan kung saan natutulog ang bunso naming kapatid na si Oli. Hinalikan ko ito sa noo at sinabing magpakabait sya. Kanina pa itong natulog ngunit alam kong narinig nya ako. Pinagmasdan ko rin ang aking ama na natutulog. Tinitigan ang kanyang tiyan at siniguro ko kung gumagalaw nga ito, senyales ng kanyang paghinga. Nang masiguro ko ang mga ito ay umalis na ako. Sumunod ko namang pinuntahan ang kwarto nila Randall at Vladimir.

Hindi gaya sa silid nila Mama, ay nakabukas ang lampshade sa kwarto nila Randall. Nang makapasok ako sa kanilang silid ay nakita kong gising pa si Vladimir nakaluhod na inaayos ang mga gamit sa loob ng pamasok nyang bag. Naramdaman nya ang aking pagdating kaya naman nagsalita ito ng hindi humaharap.

              “Kuya Randall, may itatanong pala ako sa’yo.”

Sambit nya sa akin. Inakala kong nakilala nya ako kaya naman ng marinig kong ibang pangalan ang kanyang binanggit ay hindi na ako nagsalita.

              “Huy, Kuya.”

Dagdag pa nito at matapos ay agad na lumingon.

“Ku-kuya…”

Binanggit nya ang aking pangalan at mabilis na tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata. Nabasa rin ang sahig. Gusto nyang sumigaw ngunit hindi nya nagawa. Pakiramdam ko ay humihingi sya ng tawad ngunit dahil walang tinig na lumalabas sa kanyang bibig ay hindi ko rin sigurado. Matapos nito ay bumaba na akong muli.

“Ang tagal naman ng Kuya mo…tayo rin ang uubos sa kanyang pagkain.”

Narinig ko na sinambit ni Mama. Tila ba hindi alintana ang aking pagdating. Bahagya akong nalungkot sa kanyang mga sinabi.

“Hay naku Ma’. Hayaan nyo nga yun. Ang tagal nya bumaba e’. Nagpapapansin na naman yun.”

Sambit ni Randall.

“Tsk. Tumigil ka nga sa pang-iinsulto sa Kuya mo. Kaya kayo laging nagtatalo e’.”

“Ma, kahit anong gawin nya…hindi namin sya matatanggap…”

“Ano?!…anung sinabi mo?”

“Wala po…”

            “Isa!”

“Ma…”

“Magsalita ka!”

“Kasi…narinig namin ko kayo ni Papa. Dati…”

“Anong dati?”

Marahan akong naglakad at umupo malapit sa kanilang harapan. Nakamasid lamang ako sa kanilang pagtatalo. Para bang nanunuod lamang ng isang programa sa telebisyon.

“Kwinento mo kay Vladimir ano?!  Sira ulo ka! Kung sabihin nya yun sa Kuya mo?”

“Ma’…bakit kasi hindi mo pa sabihing na ampon lang yan si Kuya!”

Matapos itong sambitin ni Randall ay mayroon namang biglang kumatok sa aming pinto.

“Blag! Blag! Blag!”

“Ano yun?”

Tanong ni Mama.

“May kumakatok sa pinto.”

“Ako na.”

Gusto kong pigilan si Mama sa kanyang gagawin. Kahit pa ganito ay ayokong marinig nya ang balita. Isang balita na hindi ko alam kung mabuti o masama para sa kanilang lahat.


Advertisements