Tags

, , , , ,

Single’s Park.

Iyan ang salitang umagaw ng aking atensyon na nakasulat sa isang maliit na papel na aking natagpuang nakaipit sa pahina nang Liwayway na naisipan kong basahin. Matapos kong manuod nang Kapag May Katuwiran, Ipaglaban Mo isang hapon, ay naisipan kong hiramin ang bagong biling Liwayway nang aking kapatid. Ilang pahina pa lamang ang aking natatapos basahin ng mahulog mula dito ang isang maliit na papel na wala akong balak pansinin kung hindi ko pa nakita ang malalaking letra dito na isinulat gamit ang typewriter.

Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas simula nang magtapos ako nang Electrical Engineer at ngayon ay nagsisimula na akong mag-aral upang paghandaan ang nalalapit kong board exam. Dalawangput-dalawang taon na ako, at aaminin kong hanggang ngayon ay single pa din ako. Wala naman akong nakikitang masama sa aking pagiging single ngunit minsan ay dumapo na rin sa isip ko na ano ang pakiramdam nang mayroong karelasyon. Bagamat, hindi rin naman ako nagmamadali, iniisip ko din naman kung kailan. Sabagay, sabi rin naman nila na hindi hinahanap yan at kusa itong dumarating. Kahit pa mas naniniwala ako na masasabi ko lamang ang mga yan kapag nangyari na sa akin.

Ilang segundo ko ding pinagmasdan ang maliit na papel sa aking mga palad at matapos ay agad na binasa ang nakasaad dito.

SINGLE’S PARK. 

Ang parkeng ito ay naglalayon upang pagbuklurin o tulungan ang isang indibidwal upang hanapin ang kanilang kapareha sa buhay. Bagamat nakikita nang karamihan na itoy katuwaan lamang, inaanyayahan namin ang lahat na bisitahin ang parkeng ito upang maparami rin ang kanilang kaibigan.

-Naglalaman ito ng 20 benches palibot sa buong parke.

At kahit pa kasya ang apat na tao sa isang upuan ay dalawang tao lamang ang maaaring umupo dito. Kapag apatnapung tao na ang nasa loob nang parke ay hindi na magpapapasok pa ang gwardiya sa labas nito. Sa bawat  lalabas, ay mayroong pwedeng pumasok.

-Kung uupo ka sa isang upuan ay isang tao na lang ang pwedeng tumabi sa’yo, kung hindi mo sya gusto ay lumipat ka sa upuang wala pang tao, o kaya naman ay sa upuang isa pa lamang ang nakaupo.

-May apat na guwardya ang patuloy na umiikot sa loob nang parke, upang maiwasan ang kaguluhan o hindi magagandang bagay.

Ito ang ilan sa mga nakasulat sa one-fourth size na papel na aking natagpuan. Sa baba naman nito ay nakasulat kung saan matatagpuan ang lugar at sa likod naman ay nakaguhit ang mapa nito. Mga dalawang sakay lamang nang jeep mula sa aking tinitirhan. Unang pumasok sa aking isipan na subukan ito para sa katuwaan lamang, ngunit naisip ko din na bakit hindi ko subukan at tingnan kung ano ang pwedeng mangyari. Baka ito na rin ang sagot sa aking tanong.

Biyernes nang hapon nang maisipan kong puntahan na ang lugar, wala din naman ako sa bahay nang mga oras na iyon kaya naisipan ko na lamang na dumiretso na dito. Bagamat alas-singko na nang hapon noon, (at kulay kahel na ang paligid) tiyak naman ako na hindi ako mahihirapang hanapin ang lugar na iyon dahil malapit lamang ang parke sa isang lugar na pamilyar sa akin. Madilim na nang marating ko ang parke. Bagamat nakadaan na ako sa lugar na ito ay hindi ko inakalang isa pala itong parke. Noong una ko itong makita, inakala kong isa itong pribadong lugar. Ang parke ay napalilibutan nang bakal na bakod na ang desenyo ay tingin kong mas maganda kung sa isang monumento na lamang ilalagay. Mula din sa malayo ay tanaw ko na na madami ang mga puno at halaman sa loob. Noong una ay inaakala kong kailangan ko pang magbayad upang makapasok dito.

Sa gate nang parke ay mayroong tila ticket booth, na karaniwang makikita sa mga sasakyan sa perya. Sumilip ako sa salamin na animoy magbabayad ngunit nagtanong lamang ako sa nasa loob nito.

“Magkano po ang entrance?”

“Magandang gabi, Welcome po sa single’s Park. Ay, pasok ka nalang po sir, wala pong bayad.”

Sambit nang isang lalaki na ubod pa ang ngiti habang nagsasalita, na akala mo’y nakakaloko. Binigyan pa nito nang diin ang salitang Single na akala mo ay nakagawa ako nang matinding kasalanan.

“Pakidala na lang po ito, at pakibalik paglabas nyo. Maraming salamat po.”

Dagdag pa nito. Nakangiti pa din. Iniabot nito sa akin ang isang tag katulad nang ibinibigay sa mga grocery store kapag nag-iwan ka ng iyong mga dalahin. Malamang ito ay para malaman kung ilan na ang taong nasa loob, naisip ko din ito nang makita ko ang numero dito. 28. Ibig lamang sabihin na pang bente-otso ako sa mga taong nasa loob. Nang tuluyan na akong makapasok sa loob nito, napansin ko na bagamat madilim ang buong paligid ay naka-tutok naman ang liwanag nang mga poste sa mga upuan.

Sa aking patuloy na paglalakad, ay dumaan ako sa ilang bakanteng upuan, ang iba ay isa pa lamang ang naka-upo at may iba din namang mayroon nang kasama. Dalawang babae. Paikot lamang ang structure nang parke at bago pa man muli akong makarating sa aking pinasukan ay pinili ko na lang na umupo sa isang bakanteng upuan. Malamang din at ito na ang pinaka dulo nang parke. Naisip ko din na kung inilalayo ko ba ang sarili ko sa pansin nang iba. Ngunit hindi na ako lumipat pa nang upuan.

Bahala na.

Makalipas ang ilang mga minuto nang mapansin kong may papalapit sa akin. Sa totoo lang ay hindi gaanong malinaw ang aking mga mata, naiwan ko kasi ang aking salamin. Napansin ko lamang ang maliit na liwanag mula dito, malamang ay may hawak itong sigarilyo. Hindi ko din matiyak kung nakatingin ba sya sa akin. Walang paraan upang makita ko nang malinaw ang kanyang mukha nang hindi sya malapit ng isang metro sa akin. Ikinagulat ko naman na bigla itong umupo sa aking tabi, at ni hindi ko namalayan ang kanyang paglapit. Ang aking paghinga lamang ang tangi kong naririnig at bukod dito ay ang paghithit lamang ng kanyang sigarilyo ang tanging ingay na pumapasok sa aking tenga.

Binalak kong tumingin sa kanya nang mapansin kong nakatingin din sya sa akin.

“Okay lang?”

Noong una ay ikinagulat ko ang tanong nito, napatingin ako nang sandali sa kanya at napansin kong itinuturo nito ang kanyang sigarilyo. Ginalaw-galaw nya pa ito upang ipakita sa akin, ilang segundo din kasi akong hindi nakapagsalita.

“Ah’, okay…okay lang.”

Sambit ko dito, bagamat hindi ko talaga matagalan ang usok nang kanyang sigarilyo. Matapos kong sumagot ay itinapon na nito ang yosi at agad na inapakan.

“Okay lang, tapos nauubo ka.”

Bigla nitong sabi. Dito ay maigi ko nang napansin ang kanyang mukha. Mayroon syang mahabang buhok na lagpas sa kanyang balikat. Sa lahat nang aking nakita ay sa kanyang mata ako halos nakatitig. Kumikinang ito at aakalain mong susunod na ang pagpatak nang kanyang mga luha. Gayon din ang kanyang pilikmata na umaagaw sa aking atensyon, ang pagkakulot nito na parang nangeenganyo upang lalo ko itong pagmasdan. Nakasuot sya nang kulay asul na blouse at itim na slacks. Lalong lumalakas ang tibok nang aking dibdib, hanggang sa makarinig ako nang tinig bukod sa kabag nang aking dibdib.

“Okay ka lang?”

Tannong nya sa akin na bahagyang iniharap ang kanyang sarili.

“Ah’..okay lang ako, huwag mo akong alalahanin.”

“First time mo ano?”

Tanong nito na aking ikinagulat.

“Huh?…sa ano po?”

“Sa ganito. Teka, may girlfriend ka na ba?…”

Sa matapat at sunod-sunod nitong pagtatanong ako lalong kinakabahan at sa maamo nyang mukha.

“Opo, first time. Wa-wala pa po.”

Bagamat hindi ko alam kung ano ang kanyang tinutukoy sa pagsasabi nya nang first time. Ano ba, sa ganito o sa iba pang bagay. Oo lang naman din ang sagot ko kahit pa ano yan. At talaga namang iyon ang totoo.

“Talaga? Teka, ilang taon ka na ba?”

“Kaka-22 ko lang po…birthday ko kasi kahapon.”

“Tanggalin mo nga yung po. Belated happy birthday pala sa’yo.”

Bahagya nya syang nakangiti at tuluyan nang gumagaan ang loob ko sa nangyayari.

“Sige-p..sige.”

“Ano nga ulit ang name mo?”           

“Marquis po…”

“Huh? Marcus?”

“Mar-quis.”

Binanggit ko at binigyang diin ang “quis” sa pangalan ko tulad ng salitang “Kiss”.

“Unique ah.”

“Parang Marquis de Sade. French writer.”

Tumango lamang ito.

“Hmm. Alam mo ba na ang salitang Sadism ay sa pangalan nya kinuha?”

Tanong nya sa akin.

“Noong malaki-laki na ako nang malaman ko…”

“Hindi ka naman sadista ha?…haha.”

“Hindi naman po.”

Nakangiti kong sagot.

“Po na naman…Kakaiba ah,..Im K nga pala.”

Iniabot nito ang kamay nya, at agad ko naman itong kinamay. Hindi nga lang ako sigurado kung paano isulat ang kanyang pangalan, pwedeng letrang K lang, Kei, Kai, Kay…madami pa.

Ilang tao na ang dumaan malapit sa amin, malamang ay nakatingin at nakararamdam nang inggit. Kung bakit ba mabilis naming natagpuan ang isat-isa at eto na masayang magkausap. Iniisip ko kahapon sa aking kaarawan na wala akong regalong natanggap na pabor naman sa akin. Naisip ko din ang minsang sinabi sa akin nang aking kaibigan na ang pinakamagandang regalong iyong pwedeng matanggap sa araw nang iyong kaarawan ay nahuhuli. Walang duda na tama sya. Hindi naman ako kagandahang lalaki ngunit ikinagugulat ko lang nang sobra ang atensyong ibinigay nya sa akin. Sa tuwing maiisip kong sa akin sya lumapit, ay hindi ko maiwasang masabing swerte ako.

Nagpatuloy pa ang aming pagkukwentuhan at mula dito ay nalaman kong intern pala sya sa isang ospital upang tuluyang maging doktor. Naisip ko din ang biro na ang nurse at ang inhinyero ay magandang pares. Pero Nars yun at hindi Doktor, hindi ko yun binanggit sa kanya.

Alas dose na nang gabi nang makauwi ako sa amin. Nabasa ako nang ulan kaya nang makapasok ako sa aming bahay ay naisipan kong maligo bago magpalit nang damit.

“Mar, nakita mo ba yung papel sa Liwayway ko?!”

Binalak ko nang agad na umakyat sa aking kwarto upang matulog na din nang maaga.

 “Mar!! nakikinig ka ba?”

Doon ko napansin ang malakas na boses nang aking kapatid.

“Ah’, hindi e.”

“Doon lang nakalagay yun…tsk.”

Tuluyan na akong pumasok sa aking kwarto at hindi na hinantay pang pakinggan ang sinasabi nang aking Ate. Naalala ko’ng itinapon ko na ang piraso nang papel sa basurahan na aking nakita pauwi. Malinaw pa din sa isipan ko ang aking katanungan sa kanya kanina.

“Pwede ba kita ligawan?…”

“Court me, if you like.”

Paulit-ulit na tumatakbo ito sa isipan ko. Nahiga agad ako sa aking kama at maya-maya ay mahimbing nang nakatulog. Kinabukasan ay agad kong kinuha ang aking pantalon na suot ko kahapon upang tiyakin kung nandoon pa ang piraso nang papel na ibinigay nya sa akin. Nangiti ako nang malamang hindi ako nananaginip, at maya-maya bago ako umalis nang bahay ay titiyakin ko kung gumagana nga ito.

Bago umalis nang bahay, ay sinubukan ko ang numero nang teleponong ibinigay nya sa akin. Dalawang segundong tahimik ang linya nang bigla itong mag-ring. Bago ko pa man marinig ang ikatlong pagtunog sa kanyang linya ay ibinaba ko na ang telepono. Ayoko din namang magising ko sya dahil alas-otso pa lamang ng umaga. Para akong isang lantang gulay na nakangiti, na pilit na itinatago ang kasiyahan.

“May problema ka nak?”

Ang aking nanay na nakatingin sa akin mula sa aming kusina.

“Wala po, bakit ma?”

“Mukha kang retarded, pangiti-ngiti ka pa..”

“Hahahaha!”

Itinawa ko yun ng malakas. Kasabay si Mama.

Buong araw na tumatakbo sa isipan ko ang mga nangyari kagabi, kanyang mga kilos, bawat salitang sinabi nya sa akin ay patuloy ko pa rin’g binabaybay sa aking isipan gaya nang.

“Okay ka lang?”

“Ano’ng gusto mo?”

Kanyang pagtatanong na hinaluan pa nang pagaalala na nagpapangiti sa akin. Alas-oto na nang gabi nang makauwi ako sa amin mula sa aming unibersidad. Kinalkula ko din kung anong oras ang kanyang uwi bagamat hindi nya ito nabanggit sa akin. Hanggang sa hindi ko na natiis pa at nakita ko na lamang ang aking sarili na tumatawag sa kanyang numero. Para akong ginulat nang marinig ko ang unang ring sa kabilang linya. Pangalawa, pangatlo.

Naisip ko din na baka mayroon syang ginagawa at ayoko din naman syang maabala, at sa malala pang lagay ay ayokong makulitan sya sa akin. Panglimang ring, pang-anim at hanggang sa bigla nalang nagiba ang tunog dito. Tunog na iyong maririnig kapag busy ang linya.

Naisip ko na lang na baka wala pa sya sa kanila kaya ipinagpaliban ko na lang muna ang pagtawag. Alas-onse y medya, nang muli kong subukan na tawagan ang kanyang numero. Sana pala ay nahingi ko din ang numero nang kanyang beeper, gusto ko lamang kasing iparating sa kanya na nag-aalala ako sa kanya, kung okay lang ba sya? at kahit ang simpleng kamusta at pagbati nang magandang umaga ay gusto kong iparating sa kanya.

Nag-ring nang muli ang telepono, ngunit matapos nitong magawa ang pangatlong tunog ay wala na akong narinig. Inakala ko na sinagot na nya ang aking tawag at patuloy ako sa pagsasalita ngunit wala naman ditong sumasagot. Sinubukan kong tumawag muli at siguro ay binunot na nito ang kurdon nang telepono. Masyado na kasing gabi at siguro ay pagod na din sya. Naintindihan ko yun.

Umakyat ako agad sa aking kwarto, at karaniwan na bago ako matulog ay nagbabasa muna ako. Kung hindi man nobela ay pinipilit kong basahin ang tinuro sa amin sa klase. Pero ngayon ay nahiga na lang muna ako, ilang sandali pa nang mapansin kong biglang lumalabo ang aking salamin. Agad ko itong tinanggal at ipinatong sa lamesa sa tabi nang aking kama. Hindi ko na ito pinunasan dahil matutulog na din naman ako. Ang tanging pinunasan ko na lamang ay ang aking mga mata na patuloy sa kanyang pagluha.

Ilang araw ang nagdaan, ngunit patuloy akong umaasa na muli ko pa syang makikita. Hanggang sa mag-ring ang aming telepono isang umaga. Gumulat ang tunog na iyo na tila ba alam ko kung sino ang tumatawag sa kabilang linya. Kumakain ako nang agahan noon at papunta na sa aming paaralan upang magbasa, ng dagli kong sagutin ang aming telepono. Nagunahan pa kami ni Ate, ngunit mas malapit ako sa kanya papunta sa aming sala.

Agad akong tumayo at…

“Ako na…”

Pang-limang ring nang simula ko itong iangat.

“Hello, magandang umaga.”

Sambit ko. Bumati ako na hindi ko naman karaniwang ginagawa, siguro para magpasikat.

“Hello.”

Boses nang isang babae. Kinabahan ako at hindi agad nakapagsalita hanggang sa sundan na nang babae ang kanyang sasabihin.

 “Pwede po ba kay Margaret?…si Erica, officemate…”

Hindi ko na pinakinggan pa kung ano o kung meron pa itong sasabihin at agad ko na lang itinaas ang telepono. Pahiwatig na para kay Ate ang tawag.

“Nawawala ko nga e’…”

Narinig kong sinambit nya dito. Malamang ay tungkol ito sa kapirasong papel na aking natagpuan at patuloy nyang hinahanap. Kababalik ko pa lamang sa aming hapag nang marinig kong mag-paalam si Ate sa kanyang kausap. At ilang hakbang pa lamang ang kanyang nagagawa nang mag-ring muli ang aming telepono.

“Kulit.”

Bigkas ni Ate pabalik.

“Wait lang…Ke!, telepono…”

Napatigil ako sa aking ginagawang pagkain nang marinig kong para sa akin ang tawag.

Hindi ko na din napansin ang kinaiinisan kong pag-gamit ni Ate sa aking palayaw na sya mismo ang nag-pauso, dahil sa nung bata sya ay hirap pa syang bigkasin nang buo ang aking pangalan. Agad akong lumapit dito at agad din namang umalis ang aking kapatid matapos na maiabot sa akin ang telepono.

“Hello.”

Nakarinig ako nang kaluskos bago ko marinig kung sino ang nasa kabilang linya.

“Marquis…K to.”

Nanlaki ang aking mga mata at hinila ko nang mabuti ang kurdon, upang makaupo din ako nang maayos. Mabuti na lamang at ibinigay ko din sa kanya ang aming numero, sakaling maiwala ko ang numero sa isang resibo na ibinigay nya sa akin habang ako ay papauwi. Parang may kung anong gumagalaw sa aking tyan pero hindi ko na ito pinansin, ngunit sigurado ako na masaya ang aking pakiramdam.

“K-Kei…kayo po ba yan?”

“Oo’, kamusta ka na? Pasensya ka na kasi after work sa hospital e’ gabi na ako nakakauwi at wala nang panahon pa para tumawag…ayun so tulog na lang ang gagawin ko sa sobrang pagod…”

Paliwanag nya sa kabilang linya. Naluluha luha pa yata ako noon habang nakikinig, pero sobrang saya ko noon at hindi ko alam kung paano ko itatago ang ngiti sa aking mukha pagbalik ko sa hapag kainan.

“Okay lang po, okay lang po…huwag mo akong alalahanin…salamat ha…pahinga ka po palagi…Ingat…”

“Okay, ang sweet mo naman.”

Iyon ang isa sa pinaka masayang araw sa aking buhay para sa akin. Tinanong ko rin kung pwede ba ulit kaming magkita, tinanong ko na dahil ayaw ko din namang magsisi ako sa huli. Isa pa, hindi ko din naman mapigilan ang aking sarili na muli syang makita. Pumayag naman sya at dalawang araw mula sa kanyang pagtawag ang napag-usapan namin. Hindi na ako makapag-hihintay pa. Sa araw na lumipas ay tumawag din akong muli sa kanya, ngunit bago pa man nya masagot ay ibinababa ko na ang telepono. Iyon kasi ang ayaw ko, yung darating sa punto na makukulitan sya sa akin. Hindi ko naman inaasahan ngunit apat na araw na ang lumipas nang hindi ko na naman sya matawagan. Patuloy lamang na nagri-ring ang kanyang telepono at walang sumasagot (o hindi nya ito sinasagot).

Nasasaktan lamang ako sa aking patuloy pag-asa. Ito pala yung sinasabi nilang masakit na pakiramdam kahit wala ka namang sugat.

Isang linggo pa ang nakalipas nang muli ko syang matawagan at hindi ko alam kung pinagtataguan nya ako.

 “Akala ko po ba mag-kikita tayo?”

Tanong ko sa kanya ng matuwid.

“Pasensya ka na ha’ busy talaga ako…”

Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ko nang sabihin ko ito pero siguro ay sobra lang akong emosyonal nang mga oras na iyon. kaya ko ito nasabi.

“Teka, pwede nyo naman pong sabihin sa akin na ayaw nyo nang makipag-kita sa akin…okay lang naman po…maiintindihan ko.”

“Look, i would’nt spend time with you if i don’t like you.”

“E’ ngayon pwede po ba kayong makita? kahit sandali lang,…”

Hindi sya nagsalita. Kaya nagpatuloy ako.

 “…kasi po pinalayas ako sa amin.”

Hindi totoong pinalayas ako, ngunit bigla na lamang itong lumabas sa aking bibig. Talaga bang kapag ang tao ay desperado na, ay gagamit itong nang isang bagay o dahilan upang kaawaan sya nang kapwa nya upang makuha nya ang kanyang gusto? Hindi ko alam kung bakit ko iyon ginawa ngunit hindi ko na alam ang gagawin.

“Teka, lasing ka ba?”

“Hindi po…hindi nga po ako umiinom…di ba nasabi ko na po yun sa inyo noon.”

Tumahimik syang muli.

“Pero bakit po ganoon, palagi na lang akong naghihintay…umaasa po ako sa wala.”

“You know what…you’re starting to scare me.”

“Sabihin nyo lang po kasi kung ayaw nyo sa akin para di ako umaasa.”

Naririnig kong tumataas mula sa pangkaraniwang tono ang aking boses, at matapos kong magsalita ay wala na akong narinig pang iba. Ibinaba na nya ang linya. Nung mga panahong iyon ay nagmumukha akong tanga, umiiyak ako gabi-gabi at sa tuwing mapapadaan ako sa kanilang boarding house ay hindi ko mapigilan ang malungkot. Lalo na sa tuwing tinatangka kong ibaling ang aking atensyon sa kanyang bintana na minsan ay nakabukas na ang ilaw, nagpapaalalang nasa loob na sya.

Noong gabi na matagpuan ko ang Single’s Park at matapos naming mag-usap, (doon ko nalaman na hanggang alas nuebe lamang pala nang gabi bukas ang parke at ang lahat at kinakailangan ng umalis mula rito) ay dinala nya ako sa kanyang tinitirhang boarding house.

Dito ko din nalaman na malapit lamang ang tinitirhan namin sa isa’t-isa. Pagdating namin doon ay agad nya akong dinala sa kanyang kwarto na tila ba nagmamadali. At siguro ay napansin nya na din, na bahagya akong nanginginig kaya bigla nya akong tinanong.

“Okay ka lang?”

Nang mayroong pagaalala. Mayroong nangyari sa amin. Sinambit nya ang mga katagang ito na tila ba ako pa ang agrabyado. Na para bang ako ang babae at sya ang lalake. Na ako ang may posibilidad na mabuntis. Matapos noon, ay tila ba ako pa ang sobrang naapektuhan at ako pa ang mahina sa aming dalawa. Kaya tinanong ko din sya kung ayos lamang ba ito, ngunit sumagot lang sya nang…

“Okay lang ako, nag-dodoktor ako di’ba?…alam ko ang gagawin.”

Base sa kanyang ekspresyon, ay di ko malaman kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan nung mga oras na yon. Tila ba humihingi nang awa ay bigla ko na lamang naisipang sabihin na tutuloy na ako. Nabigla naman ako na parang wala lang ito sa kanya at tumanggap lamang ito nang isang bisita na agadnyang kailangang paalisin

“Sige at baka gabihin ka pa.”

Hindi ko na lang din sinabi na malapit lang ako sa kanyang lugar. Bago ako umalis ay lumapit ako sa kanya at niyakap ko ito habang sya ay nakatalikod. Humarap sya sa akin at nagsabing…

“Ano ang gusto mo?”

Sa maamo nitong mukha at pananalita. Sa tuwing maaalala ko ang mga pangyayaring iyon ay hindi ko pa din mapigilan ang maluha. Ilang buwan na simula ng gabing kami ay magkita, ngunit hindi pa din sya nawawala sa aking isipan. Minsan habang pauwi ako sa aming bahay at nilalakad ang kahabaan nang kalye pauwi sa amin, ay bigla na lamang lumalakas ang tibok nang aking dibdib. Malalaman ko na lamang na kasalubong ko pala sya. Malabong ang aking mga mata lalo na sa dilim, ngunit hindi ako pwedeng magkamali na sya ang aking nakikita. Para akong nilagutan nang hininga nang oras na magkatapat na kami, ngunit sa aming patuloy na paglakad ay hindi ito tumagal nangdalawang segundo.

Pinipilit kong hindi lumingon dahil alam kong hindi rin naman nya ako lilingunin. Ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili at lumilingon pa rin ako, upang makita syang mabilis na lumalayo sa akin. Mayroon ding mga pagkakataon na inaakala kong baka nahihiya lamang sya sa akin at ang totoo ay gusto nya din akong pansinin. Minsan nang makasalubong ko sya at nang makalagpas ito sa akin ay agad akong bumalik upang habulin sya.

Tinatawag ko ang kanyang pangalan ngunit hindi sya lumilingon hanggang sa maharang ko ang kanyang daraanan. Sinabi nyang nakakagulat naman ako, habang patuloy na naglalakad nang mabilis.

 “Sorry po ha?”

Ang tangi ko na lamang nasasabi. Sinabi ko din na kung pwede ko bang makuhang muli ang kanyang numero upang matawagan ko sya. Pinaliwanag ko sa mabilis na paraan na naiwala ko ito. Isang gabi na sobrang sama nang aking loob nang bigla kong kinalimutan ang kanyang numero at itinapon ang resibong ibinigay nya sa akin.

“Pasensya na ha’…may partner na din kasi ako…at malapit lang sya dito…baka makita tayo.”

Hanggang sa titigil na ako sa paglalakad at sya na hindi man lamang lumingon upang magpaalam ay patuloy sa mabilis nitong pagalis. Hindi ko rin alam ang tunay nyang pangalan, marahil ang “K” ay isa lamang letra sa alpabeto na kanyang naisipang gamitin. Maaring sa ibang letra pa nagsisimula ang kanyang pangalan na hindi ko rin naman sigurado kung pilit nyang itinatago ito sa akin. Sa mga panahong makakasalubong ko sya ay gustong-gusto ko syang kausapin at itanong kung bakit nya iyon ginawa sa akin. Maiintindihan ko naman kung ano ang paliwanag nya bagamat alam kong masasaktan nya lamang ako. Ngunit sa tuwing tinatangka kong sya ay makausap sa oras na kami ay magkitang muli, nararamdaman kong natatakot ito sa akin bagamat hindi ko naman ito sadyang gawin. Kung maipapaliwanag ko lamang sa kanya at kung maipapaliwanag nya lang sana sa akin, siguro ay mas magiging maluwag sa aking dibdib at gagaan ang aking pakiramdam. Masokista ba ako? Katulad ng manunulat na aking kapangalan?

Kung bibilangin ngayon ay isang taon at ilang buwan na ang nakalipas simula ang gabing iyon. Minsan, sinasabi ko sa aking sarili na kaya ko nang hindi masaktan kahit pa lumitaw sya sa aking harapan. Ngunit sa tuwing makakasalubong ko syang muli ay hindi ko mapigilan ang aking sarili, bagamat hindi ko na sya nilalapitan ay tinitingnan ko na lamang ito hanggang mawala sya sa aking paningin. Para bang mayroon akong sugat na matagal nang naghilom, ngunit eto at kumikirot muli.

Oo aaminin ko na nasasaktan pa din ako at sobrang nalulungkot sa tuwing sya ay aking nakikita, pero inaasahan ko din ang araw na matatanggap ko ito nang lubos kaysa ngayon. Wala akong galit na naramdaman sa kanya dahil alam kong mayroon syang paliwanag para sa akin na inaasahan ko pa ring marinig kahit na kailan. Iyan ang unang pagkakataon na akoy ay nagmahal, kung nagmahal nga ako. Alam ko na hindi ako dapat matakot na ulitin ito dahil lang sa isang pangyayari na hindi ako nagtagumpay. Hindi ko maaaring itago na maraming bagay ang itinuro nya sa akin na hindi ko matatagpuan kahit saan. Kahit pa hindi naging maganda ang resulta at nasaktan ako sa kanyang ginawa, nagpapasalamat pa din ako dahil pinalaki ako nang sitwasyon.

Hindi ko alam kung ako ay nagmahal o ang kalungkutang aking nadarama ay dahil lamang sa pag-iwan nya sa akin. Kahit ano pa man ang dahilan, gusto kong sabihin na hindi ko sya malilimutan kung nasaan man sya ngayon kahit na alam kong walang paraan upang marinig nya ako. Ang lahat nga daw nang bagay ay mayroong dahilan, kahit na ang pagkuha ko sa papel na nakaipit sa babasahin ni

Ate ay kasama doon. Dahilan na sa huli ay nasa iyo ang kasagutan kung tatanggapin mo ito bilang tama o bilang pagkakamali. Kailangan lamang natin isipin na hindi dahil hindi pabor sa atin ang kapalaran o sa mga bagay na gusto natin, ay hindi na tayo pwedeng magtagumpay.

Pumasok ako nang parke ng single ngunit lumabas pa rin ako nang single ngunit married ako ng experiences.

At yun ang higit na mahalaga.

Advertisements