Tags

, , , ,

Ilang sandali na rin akong nakadungaw sa mga kiti-kiti sa loob ng aming tapayan.

Sumisilip ako dito noon para panuorin ang pagkislot ng mga insekto, ngunit ginagawa ko na ito ngayon upang sumigaw. Pakiramdam ko kasi dati na lumalakas ang aking pakiramdam sa tuwing maririnig ko ang alingawngaw ng aking tinig na tila ba nagpapalakas ng aking loob. Sumasabay sa akin tulad ng isang maaasahang kakampi tulad ng isang matalik na kaibigan. Bagamat tinatakot ako ni Ina na baka sagutin ako ng tapayan ay patuloy ko pa rin itong ginagawa. Lalo na kung wala sya sa aming tahanan. Iniwan na rin kami ni Ama at ipinagpalit sa bago nitong pamilya kaya naman kami na lamang ni Ina ang magkasama.

Mayroon akong mga kaibigan na madalas ko ring kasamang maglaro sa kakahuyan sa dulong bahagi ng aming baranggay. Ilang beses ng ipinagbabawal sa amin ang pagpunta sa lugar na iyon ngunit hindi namin ito maiwasan. Sa lugar kasing iyon, matatayog ang mga puno, malawak ang damuhan at marami kaming pagtataguan sa tuwing maglalaro kami ng taguan. Sa lugar na yon kami malaya, lahat ng bagay na gusto namin ay aming nagagawa at walang magulang na sasaway sa ano mang nais naming gawin. Kahit pa ganito ay hindi ko pa rin maiwasan ang makadama ng kalungkutan. Pakiramdam ko kasi na madalas akong mapagtulungan, mapagkaisahan. Madalas kasi akong taya sa aming mga nilalaro.

Si Jose ang pinakamatanda sa amin, bagamat may kalakihan, siya ang pinakamahirap hanapin sa oras na kami ay magtataguan. Alam naman namin kung saan sya madalas magtago, bukod sa madami ang mga puno, ay hindi naman kami marunong umakyat dito upang sya ay hanapin.

Pangalawang beses ng kinukuha ni Jose ang ikaanim na baitang hindi dahil sa hindi ito makapasa ngunit sa kabilang baryo pa ang pinakamalapit na mataas na paaralan. At hindi alam ng kanyang mga magulang kung paano pa ito tutustusan. Hindi ko rin alam kung ilang beses nyang balak kunin ang inaaral namin. Tanong ko rin ito sa aming tatlo. Si Mila ang nagiisang babae sa aming grupo, mabagal syang kumilos ngunit nakakagulat na ni minsan ay hindi ko pa ito naabutan sa aming mga takbuhan. Mahirap din syang hanapin dahil sa magtatago ito ng mabuti, huwag lang syang mataya. Naalala ko pa noon na pumasok sya sa isang bukas na nitso upang doon magtago ng minsang maglaro kami sa may sementeryo. Kahit yata ang ibaon ang sarili sa lupa ay kanyang gagawin huwag lang syang mahuli. At si Regor, na tingin kong utak ng pagkakaisa nilang tatlo sa akin. Mabilis syang mahanap sa lahat dahil sya ang tipo ng manlalaro na matatapos ka pa lamang magbilang ay nakabantay na sayo upang mailigtas ang sarili. Sa malapit na lugar din sya nagtatago upang mabilis na makatakbo patungo sabase sa oras na mawala na sa kanyang paningin ang taya. Noong minsan, natitiyak ko din na sya ang may pakana sa pangiiwan nilang tatlo sa akin sa kakahuyan habang masusi at matyaga akong naghahanap sa kanila. Kung hindi pa nalalapit ang pagdilim, malamang na patuloy lamang ako sa paghahanap. Hindi ko sigurado kung gawa ito ng hangin ngunit mayroon din akong narinig sa paligid na tila ba umubo upang malinis ang kanyang lalamunan dahilan upang magsisigaw ako at mabilis na kumaripas ng takbo paalis sa gubat.

Nang maikwento ko ito sa aking ina ay agad nya akong kinagalitan.

“”Di ba’t sinabihan ko na kayong huwag magtutungo sa kakahuyan sa kabilang baranggay! Ang kukulit nyo! Ang daming laruan dito sa ‘tin, hindi pa kayo dito maglagi! Bahala kayo kapag nahuli kayo ng Sipay!”

Bulyaw nito sa akin.

Pero hindi pa rin kami natigil sa pagpunta dito. Minsang papauwi ako ng bahay galing sa aming paaralan ay nakasalubong ako ng isang grupo ng mga kalalakihan. Nakaramdam ako ng takot dahil sa ang isa sa kanila ay napakataas at mayroong maputing balat, ibang-iba sa kanyang mga kasamahan. Iba sa amin. Tila ba nadagdagan pa ang nararamdaman kong pagkainis sa aking nakita. Sigurado kasi akong pinagkaisahan na naman ako ng tatlo at iniwan upang umuwi ako ng magsolo. Nilapitan ako ng isa sa mga lalaki na ngayon ko lamang nakita. May bandana ito sa ulo at kulay kayumanggi ang kanyang balat. Hinawakan nya ako sa aking mga balikat at bahagyang umupo. Bahagya akong gumalaw dahil sa takot. Baka sila na ang Sipay na sinasabi ni Ina. Ngunit napansin kong wala naman silang malalaking kulay pulang labi, hindi naman sila kalbo, wala naman silang malalaking itim na mata, higanteng mga kamay at wala silang dala dalang sako. Kung saan ang mga bata ay ikukulong at pipitpitin hanggang sa madurog ang mga buto. Kung saan ako isisilid.

“Boy, mukhang papauwi ka na ah’…saan ka ba galing?”

Tanong ng lalaking humahawak sa aking braso. Sa mga oras na yun ay hinihintay kong dalawin ako ng takot ngunit hindi ito dumating.

“Ah…pa-pauwi na po ako…galing paaralan…”

Nangangatal kong sinambit.

“Hmm. Mabuting bata…gu-”

Natitiyak kong mayroon pa syang sasabihin ng makita kong bigla itong hawakan ng maputi at higanteng lalaki sa balikat. Tila ba naguutos ito na umalis sa aking harapan. Gaya ng aking inaasahan ay tumayo nga ang lalaki at ang maputing nilalang naman ang pumalit sa kanyang pwesto. Umupo ito sa aking harapan at mayroong kinuha mula sa kanyang bulsa. Dito ay nanlaki ang aking mga mata ng bigla nyang ilabas ang napakarami at napakakapal na pera. Ngayon lamang ako nakakita ng ganoong karaming pera sa tanan ng aking buhay. Ginawa nya pa itong parang abaniko upang ipaypay sa akin na akala mo ay hindi ko ito nakikita. Higit kong napansin ang kulay ng kanyang buhok na para bang basahang ginto at ang kanyang mga mata na tila ba asul na brilyante, kaya pala marami ang kanyang pera. Habang ginagawa ito ay bigla syang nagsalita sa isang lenggwaheng hindi ko maintindihan. Malamang ingols, ah basta.

Ang ilan naman sa kanyang mga kasama ay nagngisian at ang lalaking kaninang humawak sa aking balikat ay biglang nagsalita.

“Didiretsuhin na kita bata…bibigyan ka nya ng napakaraming pera kapag ginawa mo ang bagay na gusto namin…”

Nanlaki ang aking mga mata sa aking narinig. Pumasok na lamang sa aking isipan ang mga bagay na aking maaaring mabili sa oras na magkaroon ako ng napakaraming salapi. Ang eroplanong matagal ko ng inaasam at hinihiling kay Ina na hindi nya maibigay, kahit na kailan. Bagong daster para kay Ina, kahit na ilang dosena ay makakaya kong mabili. Hindi ko na rin naisip pa ang kapalit na kanilang hinihingi dahil sa masyado akong nasilaw. Nasilaw din ako sa sinag ng araw.

Kinabukasan ay inaya ko sila Mila upang maglaro sa kakahuyan. Ngunit lubos ang pagtanggi dito ni Regor at Jose.

“Taguan ulit? Pero may sorpresa daw si Mila sa atin a’.”

Paliwanag ni Regor.

“Oo nga. ‘Di ba Mila?”

Baling ni Jose kay Mila.

“Uhm, sige pagbigyan na natin. Para din pag-uwi natin ay handa na tayong…sige basta.”

Nangingiti pang sambit ni Mila.

“Hindi pa kasi sabihin ang surpresa na yan e’.”

Si Regor.

“Nakakagutom na.”

Si Jose.

“Basta…”

Si Mila.

Dito ay nagsimula na kaming maglakad patungo sa aming itinuturing na paraiso. Agad na naming sinimulan ang aming taguan upang mabilis na kaming makauwi at nagprisinta na akong taya sa aming laro na hindi naman nila ikinagulat.

“Haha. Mabuti yan…para mabilis na tayo!”

Si Regor kasama ng pagbanggit sa aking pangalan.

“Tama! Dyan din naman mapupunta yan e’. Ikaw din naman ang matataya! Haha.”

Panggagatong ni Jose.

Narinig ko silang nagtakbuhan.  Agad na akong pumwesto sa malaking puno kung saan madalas magbilang ang taya. Kung saan ako madalas na pumwesto. Narinig kong nagtakbuhan na sila upang masimulan ang taguan. Napatingin ako sa baba at nakita kong nakalagay sa damuhan ang bag nilang tatlo habang ang sa akin ay suot-suot ko pa rin. Matapos kong magbilang hanggang sampu at muling makaharap ay nakita ko na sila sa paligid. Ang mga lalaki kahapon. Nakita kong patakbong lumapit sa akin ang isa sa kanila at mabilis na iniabot sa akin ang napakaraming salapi. Kinusot nya ang aking buhok at nagsabing ”huwag mong sasabihin ang tungkol dito kahit na kanino…sige na, takbo…takbo!”Hanggang sa itulak nya na ako palayo upang patakbuhin. Nasulyapan ko pa ang puting higante, tila ba natutuwa sa aking ginawang desisyon. Para bang sinasabi nyang ito ang tamang gawin.

Kumaripas na ako ng takbo at hindi na lumingon pa. Nakarinig ako ng ingay ngunit hindi ako sigurado kung mula ito sa mga uwak sa paligid na madalas naming sigawan ng “Uwak! Uwak!…nasusunog ang bahay mo!” o mula sa aking mga kasama. Wala na akong pakialam. Sila ang may kasalanan. Sila, sabi sa akin ni Tapayan. Kapit-kapit ko ng mahigpit ang salapi sa aking dibdib at hindi ko na pinulot pa ang ilan sa mga nahulog. Nang sapitin ko na ang lugar sa amin ay nakasalubong ko ang Ina ni Mila. Basangbasa na ako ng pawis at humahabol sa aking hininga ng makita ako nito.

“O’…”

Tawag nya sa aking pangalan.

“Bakit ngayon lang kayo? Teka, nasaan sila Mila? Si Jose at Regor bakit di mo kasama?”

Pagpapatuloy ng Ina nya. Hindi ako nakasagot.

“Kaarawan ni Mila ngayon. Hindi nya ba kayo inimbitahan? Pinasabi kong sabihin sa inyo na maghahanda sya a’…asan na ba sila?”

Hindi ko na ito pinansin at nagpatuloy ng muli sa pagtakbo.

“Hoy…!…kinakausap pa kita!”

Patuloy na pagtawag nito sa akin.

Agad akong nagtungo sa aming bahay at napansin ko ang sangkalan sa aming bakuran. Mayroon itong ulo ng manok at lamangloob ng isda. Patuloy na tumutulo ang dugo dito. Kinilabutan ako sa aking nakita at mabilis na nanginig ang aking buong katawan. Pakiramdam kong nakatingin sa akin ang pugot na ulo. Naalala ko ang madalas na sabihin sa akin ni Ina noong nabubuhay pa sya.

“Sa oras na makuha kayo ng Sipay, ay pipitpitin nito ang inyong mga katawan hanggang sa lumabas ang inyong mga dugo! At ito ay ididilig sa ginagawang tulay na magsisilbing nitong pampatibay!”

Dito ay nilapitan ko ang sangkalan at agad na kinuha ang pandikdik namin. Sinimulan kong dikdikin ang ulo ng manok ng hindi tumitingin dito. Hanggang sa hindi na ito makilala.

Nabitiwan ko na ang halos lahat ng salaping tanan-tanan ko kanina at hindi ko na alintana kung mayroon pa bang natira. Mabilis akong nagtungo sa tapayan na madalas kong dungawin at ipinasok ang aking ulo sa butas nito. Hindi ako nagsasalita ngunit kinakausap ako ng tapayan. Sumigaw ako ng sumigaw at ilang beses ko itong pinukpok upang ito’y patahimikin ngunit wala akong nagawa. Patuloy itong bumubulong sa akin. Naririnig ko. Hanggang ngayon. Naririnig mo?

Advertisements