Tags

, , , ,

Nang tratuhin akong  parang isang hayop…

 

Nagsimula akong hindi makahinga.

Idiniin nya ng todo ang pagkakasakal sa akin.

Ramdam kong namumula ang aking mukha dahil sa unti-unti ko ng nararamdaman ang pagkaubos ng hangin sa aking katawan. Kahit na ang aking ilong ay tinakpan nya rin ng sa gayon ay hindi talaga ako makahinga. Mas mabilis akong lilipas sa ganitong paraan. Pakiramdam ko’y blangko na ang lahat at ayoko namang huminga ng malalim. Dahil alam kong hindi ko na magagawa pang makahinga pabalik dahil sa lalo nya lamang hinihigpitan ang pagkakakapit sa aking leeg. Kung paanong paraan ang ginagawa ng mga ahas, lilingkisin ka nila hanggang sa hindi ka na makahinga. Hindi ka maaaring huminga ng malalim dahil sa hindi mo na ito maibabalik pa. Katapusan mo na. Katapusan ko na.

Nakita ko ang kanyang mga mata. Nagliliyab ito sa galit. Hindi ko alam kung karapat-dapat bang kaparusahan ang aking ginawa upang matrato ako ng ganito. Marahil ay nasaktan lamang sya sa mga nangyari. Kaya naman kahit ang patayin nya ako ay tila ba kulang pa sa sakit na aking naidulot. Pero ano ba ang magagawa ko? Likas na yata sa ating mga tao na lokohin kahit na ang ating mga sarili.

Tumutulo ang mga luha sa aking mga mata habang sinasakal nya ako.

“Siraulo ka! Mamatay ka na! Mamatay ka na!”

Malakas nya itong isinisigaw sa aking tainga na para bang hindi sya malapit sya sa akin. O dahil sa alam nyang humihina na rin ang aking pandinig? Siguro ay mayroon syang ideya na ang pandinig ang kakahayahang huling mawawala sa ating mga tao.At bago pa man ako pumanaw ay kagustuhan nyang baunin ng aking kaluluwa ang mga kasalanang ginawa ko sa kanya.

 Marahil ay nawawalan na ako ng malay dahil sa unti-unti na ring humihina ang kanyang mga sinasabi. Para akong bulateng sinabuyan ng asin kung magwala kanina ngunit eto ako ngayon at tila ba isang nangangatal na daga na nakakain ng lason. Walang kalaban-laban. Kahit na alam kong nakakaawa ang aking itsura ay pinilit kong humingi ng tawad sa kanya gamit lamang ang aking namumulang mga mata. Ngunit wala na akong magagawa dahil sa lumalabo na rin ng tuluyan ang aking paningin.

Hindi ko alam kung tagumpay ako sa aking ginawa at bigla nya na lamang akong binitiwan. Dito ay pakiramdam kong muli akong isinilang. Nabuhay. Ang aking pangalawang buhay. Dito ay mabilis kong hinabol ang mga hiningang nawala sa akin.

Kumalas sya sa akin at mabilis na lumayo. Lumuhod ito at sinuntok-suntok ang pader. Habang para naman akong isang natuyot na gripo na ngayon ay biglang dinaluyan ng tubig. Luha mula sa aking mga mata, sipon sa aking ilong at suka mula sa aking bibig. Dugo sa aking gilagid. Umiyak ako na para bang bata na mahirap painumin ng gamot. Lahat ng isinusubo ay isinusuka.

“Tumigil ka!!!”

Sigaw nya sa akin. At dito ay muli na naman syang lumalapit.

Advertisements