Tags

, , , ,

Hindi ko inaasahang gagawa ako minsan ng isang sulatin tungkol sa isa sa pinakamahalagang tao na nakilala ko sa aking buhay. Ang aking lola.

Ipinanganak si Claudia Samaniego Armia sa taong 1929, ika-anim na araw ng buwan ng hunyo. Bunso sa limang magkakapatid ng magasawang walang hinangad sa buhay kung hindi ang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak. Nanatiling housewife ang aking lola habang patuloy na pinalalakad ang kanyang maliit na babuyan. Mahilig magtinda ng kung ano-ano tulad ng nilagang mais na sya nya namang ipinapasuyong ibenta sa isa sa kanyang mga anak. Mahilig syang magluto kahit noon pa at maasikaso sa kanyang mga bisita. Tanda ko noon na punong-puno ng tao ang aming sala sa oras ng gabi, mga kapitbahay namin sa probinsya na gabi-gabing nakikinuod ng drama sa telebisyon. Sa maliit na bagay na yun ay may kasamang tumawa ang lola ko.

Masasabi kong pala kwento si Lola, magiliw sa mga taong kakilala at hindi maaaring hindi papansinin o babatiin ang masalubong namin sa daan. Hindi ko rin ipagkakaila na mahilig sa kwento ang aking lola. Hmm, lahat naman siguro sa dapit hapon ng buhay.

Hindi ko na masabi kung paano ako pinalaki ng aking lola. Sa maynila kasi nagtatrabaho ang aking tatay at nanay noon kaya naman walang magaalaga sa akin dahilan upang iwan nila ako sa aking lola. Ngunit habang nagkakaisip ang mawalay sa kanya ay nagdadala ng luha sa aking mga mata. Tanda ko pa noong magwala ako sa harapan ng bahay nya. Magiliw nila akong tinitingnan sa pinapasukan kong day-care center malapit sa amin. Lahat kaming mga bata ay pumaparada paikot sa center ng makita kong nanunuod sa akin ang aking tatay kasama ang ilan sa aking mga pinsan. Nasa isip ko noon na paguwi ko ay madaratnan ko sila.

Masipag ang aking lola, matanda na sya ng magkaisip ako ngunit hindi ako nagigising sa umaga ng hindi malinis, nawalis at na-floor wax na ang sahig, hugas ang mga pinggan at handa na ang ulam. Araw-araw alas-kwatro ng madaling araw ay madalas ko itong mamataan sa likod ng aming bahay. Nagiigib at naglalaba.

Hindi nya rin kami hinahayaang dumihan ang mga suot naming damit lalo na sa araw ng biyernes kung saan umuuwi ang aming mga magulang. Strikta ang lola ko pero naiintindihan ko naman iyon. Kung gaano kami kasabik na marinig ang bus sa kalsada at makita ang mga anino nila mama na naglalakad papunta sa bahay ay ganoon din naman ito kasaya habang naghihintay. “Kain na kayo.” Ito ang madalas kong marinig nyang bungad sa aking mga magulang at tiyahin. Sa katandaan, hindi rin maiwasang magkaroon ng karamdaman ang aking lola, naoperahan sya sa mata dahil sa katarata ng dalawang beses at sa likod. Upang sumailalim sya sa Laminectomy. Kung mayroon man syang madalas na kasama, ako yun. Madalas kami noong magpunta sa Sta. Cruz, Laguna upang magpacheck-up sya. Tila ba tulog pa ang doktor na kanyang kukunsultahin ngunit nasa opisina na kami nito bago pa tuluyang lumiwanag. Madalas ko syang kasama sa kahit na ano mang lakarin, sa tuwing mamasko sa ibang bayan at sa pag-uwi namin minsan sa maynila. Ang billboard lamang ng highway malapit sa amin ang tanda kong kanyang palatandaan na bababa na kami ng sasakyan.

Sa mga karamdamang ito ay hindi pa rin nabawasan ang sipag ng aking lola. Minsan ay nagtinda rin kami ng ice tubig at ice candy. Minsan milo, minsan kape. Naalala ko pa ng minsang maihalo nya ang mapait na gamot na kanyang iniinom sa ice candy na aming ginagawa. Sa pagaakalang tsokolate din ito. Sa pait ng kinalabasan ng aming ginawa ay itinapon na lamang nya ito sa lababo. “Sayang.”

May diabetes din ang lola ko, ngunit patuloy ko syang palihim na inaabutan ng tsokolate. Hindi ko naman alam ang aking ginagawa. Masaya kasi ako na makakain sya ng ganun. Madalas kong marinig sa kanya na “Tama na, baka makita na tayo ng mama mo.” Lahat kasi ng dala ng aking tiya at mga magulang para sa amin ay sinisigurado kong natitikman din ni Lola. “Lola, gusto mo ng coke?”

Sa aking pagaaral ay hindi naman maiwasan na maging madalang na ang aking paguwi. Tanda ko pa ng lumuwas ako ng maynila. Kung paano namumugto ang aking mga mata sa tuwing aandar na ang aming sasakyan at sinisigurado kong higit akong nakahalik sa pisngi ng aking lola. Habang lumalaki ay nakasanayan ko na ding sabihin sa tuwing malungkot ako na “sana ay nandito sa tabi ko si  Lola.”

Bago pa sya umalis sa aming lahat ay naka-graduate na ako noon sa kolehiyo. At dahil sa hindi makararating sa maynila ay naisipan kong i-print ang aking mga litrato noong araw na ako ay makatapos na sya nya namang masayang ibinida sa kanyang mga kakilala. Nagbigay din ako ng isang snow-globe na mismong ginawa ko at isang sulat isa sa kanyang mga kaarawan. Hindi ako sigurado ngunit kung totoo man ay masayang-masaya ako na kasama ako sa kanyang mga huling salita.

“Katulad ng sinasabi ko noong bata ka pa, palagi kang magpapakabait.”

Yan ang madalas kong marinig sa tuwing kaming dalawa ay maguusap noon. Bagamat hindi maiwasang makagawa ng mali, malugod kong sasabihin sa inyo lola, na mabuti pa rin naman akong apo nyo. Alam ko naman na batid nyo ito at kung may telepono lamang dyan kung nasaan ka man ay palagi kitang tatawagan. Alam ko na masaya ka na din dahil kapiling mo ng muli si lolo. At kaming lahat ay masaya dahil sa mga ginawa mo. Hindi rin lingid sa lahat na patuloy ka pa ring nakamasid at nagbabantay para sa aming lahat.

“And I don’t mean to sound so sad
But if you only knew, I miss you so bad
I won’t forget your life
We won’t forget your life …”

-Acosta Russel


Advertisements